P16.7M ayuda inilaan ng BFAR sa salt industry

P16.7M ayuda inilaan ng BFAR sa salt industry

March 5, 2023 @ 11:47 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inayudahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang iba’t ibang proyekto sa pag-aasin sa pamamagitan ng pagbibigay ng P16.7 milyon para mapalago ang kabuhayan ng naturang sektor.

Ayon kay Vanessa Abegail Dagdagan, senior aquaculturist sa BFAR, na kasama sa tulong ang mga materyales para sa produksyon ng asin, imbakan, packaging, at label, gayundin ang capacity building at nutritional analysis. Ilan sa mga proyekto ay itinurn-over sa 216 salt producers noong Biyernes sa Regional Freshwater Aquaculture Technology Demonstration Center(RFATDeC) ng BFAR sa bayan ng Paoay, lalawigan ng Ilocos Norte.

Kaugnay nito sa parehong araw, apat na asosasyon at 16 na rehistradong indibidwal na mangingisda ng asin at fish production enhancement projects ang tumanggap din ng mga gamit sa pangingisda at paraphernalia tulad ng “lambaklad” at hook and line gear.

“This is funded under the Bayanihan 1 and 2 programs for a total of PHP16,706,165.05 to help salt makers and fisherfolk in the towns of Burgos, Pasuquin, Vintar, Badoc, Currimao and Pinili,” ani BFAR regional director Rosario Segundina Gaerlan.

Nabatid na ang mga tilapia fingerlings para sa dispersal sa mga communal na anyong tubig ay ibinigay din sa iba’t ibang local government units upang mapalakas ang aquaculture program ng lalawigan.

Sa ilalim ng Republic Act 8172, o ang Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN) Law, ang mga kinauukulang ahensiya ng pambansang pamahalaan ay inaatasan na tukuyin ang mga angkop na lugar para gamitin bilang salt farms upang maprotektahan ang mga lugar mula sa mga panganib sa kapaligiran at matiyak ang sustainability ng iodized salt production.

Samantala, bago ang paggawad ng salt iodizing machine, sumailalim sa hands-on training ang mga benepisyaryo kung paano ito gamitin at mapanatili.

Sa kanyang mensahe, inulit ni Gaerlan ang kahalagahan ng iodine para sa pagkonsumo ng hayop at tao upang maalis ang micronutrient malnutrition sa bansa. Santi Celario