P161K shabu nalambat sa 4 na durugista sa Navotas

P161K shabu nalambat sa 4 na durugista sa Navotas

July 20, 2022 @ 2:03 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa loob ng rehas na bakal ang bagsak ng apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang dalawang bebot matapos makuhanan ng mahigit P100,000 na halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City, kahapon.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, alas-12:50 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Police Lt. Luis Rufo Jr. ng buy bust operation sa Judge Roldan St., Brgy., San Roque kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon ng P500 halaga ng shabu kay Maria Elayne Kalaw, 32 at Armando Roque, 52.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa isang police poseur-buyer kapalit ng isang transparent plastic sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang walong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng abot 20.8 gramo ng hinihinalang shabu na may  corresponding standard drug price Php 141, 440.00, marked money at coin purse.

Nauna rito, dakong alas-9:40 ng gabi nang madakma naman ng kabilang team ng SDEU sa covert patrolling at validation sa Los Martirez St., Brgy., San Jose sina Alfredo Malaca, 42, (pusher/listed) at Jenny Adriano, 32.

Nasamsam sa kanila ang tatlong small heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng aabot 2.6 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 19,720.00.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura