P16B overpricing sa bakuna mula sa Sinovac, tinangka – Lacson

P16B overpricing sa bakuna mula sa Sinovac, tinangka – Lacson

January 18, 2021 @ 7:06 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Tinangkang magtakda ng P16 bilyong overpricing sa pagbili ng pamahalaan ng  bakuna mula sa Sinovac Biotech ng China, ngunit hindi natuloy matapos matuklasan na mas mura ang halaga  nito sa ibang bansa, ayon kay Senador Panfilo Lacson.

Sa kanyang kauna-unahahg privilege speech sa 2021, tinukoy ni Lacson ang magkakaibang impormasyon na ibinigay ng ilang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan  at opisyal kabilang pagkakaiba sa halaga ng katulad ng bakuna na nabili ng ibang bansa.

“I am not prepared to accuse anyone in particular of corruption. Rather, it defies logic to suspect at least an attempt to overprice the vaccine. Again, when there is an attempt at overpricing, isn’t it also logical to think na may kikita ng limpak-limpak na salapi?” ayon kay Lacson.

“Imagine this, marahil kung sakaling hindi natalakay sa pagdinig ng Senado ang kontrobersya ng Sinovac at assuming natuloy ang orihinal na presyo na P3,629 or $38 dollars kada dalawang bakuna o P1,814 equivalent to $19 dollars kada turok kontra $5 dollars sa Thailand, easily, the price difference of $14, for 25 million doses would fetch $350 million or P16.8 billion,” giit niya.

Noong nakaraang linggo, nagsagawa ang Senate committee of the whole na pinamumunuan ni Senate President Vicente Sotto III ng dalawang magkasunod na pagdinig hinggil sa vaccination program ng pamahalaan.

Sa naturang pagdinig, pinilit ng ilang senador na ilantad ang presyo ng Sinovac na iniaalok sa Pilipinas para sa bakuna habang tinutukoy ang data na isinumite ng Department of Health (DOH) sa Senate committee on finance sa kasagsagan ng debate sa pambansang badyet noong nakaraang Nobyembre.

Lumitaw sa impormasyon ng DOH na  tinatayang aabot sa P3, 629 kada dalawang turok ang halaga ng bakuna mula sa Sinovac o 1,800 kada dose.

Sinabi ni Lacson na mas mataas ang presyo nito kumpara sa nabili ng Thailand sa parehong Sinovac para sa COVID-19.

Nitong nakaraang weekend, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na aabot lamang sa P650 kada dose  ang bibilhing bakuna ng Pilipinas sa Sinovac.

Nakatakdang bumili ang Pilipinas ng 25 milyong dose ng bakuna mula sa Sinovac at nakatakdang dumating ang mahigit 50,000 dose sa Pebrero. Ernie Reyes


  •  
  •  
  •