P17.7M ‘shabu’ nakumpiska; 2 arestado

P17.7M ‘shabu’ nakumpiska; 2 arestado

February 27, 2023 @ 10:26 AM 3 weeks ago


CEBU CITY- Umabot sa P17.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa magkahiwalay na drug buy-bust operation ng mga awtoridad, noong Sabado sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Ariel Lipumano, 32, at residente ng Barangay Bulacao, Talisay City.

Ayon kay Police Major Jonathan Taneo, hepe ng Mambaling Police Station, dakong alas-11:30 ng gabi nitong Sabado nang madakip si Lipumano Barangays Basak San Nicolas.

Nakuha kay Lipumano na nasa Regional Level watchlist ng drug personalities ang dalawang kilo ng shabu na aabot sa halagang P13.6 milyon .

Sinabi ng pulisya, na ibinabagsak ni Lipumano ang kanyang shabu sa Barangay Tisa, Pardo, Mambaling, at Basak San Nicolas at nakakapagbenta ito ng higit sa isang kilo sa loob ng isang linggo.

Makalipas ang 20 minuto, sunod namang nadakip sa Basak San Nicolas ang suspek na kinilalang si Ramil Gabaca, 29, habal-habal driver.

Nakuha kay Gabaca ang 605 gramo ng hinihinalang shabu na aabot sa halagang P4.1 milyon.

Nabatid, dalawang beses nang nahuli si Gabaca sa parehong kaso noong December 2022 at nito lamang February 2023 subalit nakalabas ito ng kulungan sa pamamagitan ng plea bargaining agreement.

Nakakulong ngayon ang mga suspek sa lock-facility ng Cebu City-PNP at kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa illegal drugs. Mary Anne Sapico