P171M ismagel na sibuyas, iba pang agri goods nasamsam ngayong buwan

P171M ismagel na sibuyas, iba pang agri goods nasamsam ngayong buwan

December 23, 2022 @ 6:16 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa P171 milyon halaga ng mga ismagel na agricultural products kabilang ang pula at puting sibuyas ang nasabat ng Bureau of Customs sa Manila International Container Port (MICP} ngayong buwan.

Ayon sa BOC nitong Biyernes, Disyembre 23, nasa 20 containers na ang consignee ay iisang kompanya lamang, ang may-ari ng mga nasabat na ismagel na produkto galing China mula Disyembre 6 hanggang 22.

Sa impormasyon, nakapangalan sa Taculog J International Consumer Goods Trading sa Alabang, Muntinlupa City ang mga container na dumating sa MICP mula Nobyembre 12 hanggang Disyembre 3.

Halos lahat ng mga ito ay idineklarang karga ay mantou (steamed buns) habang ang iba ay idineklarang frozen food products ang laman tulad ng prawn balls, lobster, crab stick, udon noodles, at fresh carrots.

Nang busisiin nila ito ay napag-alaman na mga agricultural products pala ang laman.

Ayon sa BOC, ang mga nasabat na container ay naglalaman ng mga sumusunod:

– Frozen squid flowers at sariwang puting sibuyas na nagkakahalaga ng P38,031,000.

– Sariwang pula at puting sibuyas na nagkakahalaga ng P79,020,000 at P35,079,000.

– Frozen boneless buffalo meat na nagkakahalaga ng P14,720,000.

– Sariwang carrots na nagkakahalaga ng P4,500,000.

Ayon kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, patuloy na minomonitor ng ahensya ang mga aktibidad ng Taculog J International Consumer Goods Trading matapos makatanggap ng impormasyon ng mga kargamento nito mula China.

“We are not only practicing our mandate to investigate, examine, and seize such contrabands. This is for the good of the country and our people. We have been suffering from the high cost of onions in the markets, so we are especially on the lookout for these kinds of operations because it hurts not only the economy but directly impacts our farmers, the people, and the agricultural sector itself,” ayon kay Ruiz. RNT/JGC