P175M med aid ipinamahagi ng PCSO nitong Hunyo

P175M med aid ipinamahagi ng PCSO nitong Hunyo

July 3, 2022 @ 8:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot sa P175 milyong medical aid ang naipagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa 22,000 indigents beneficiaries sa buwan ng Hunyo.

 

Sa kabuuan, umabot sa 22,539 eligible beneficiaries ang nakatanggap ng medical assistance na nagkahalaga ng P175.6 milyon na ipagkaloob ng PCSO para lamang sa nasabing buwan.

                                                                                               

Sa inilabas na datos PCSO nitong Biyernes, napag-alaman na ang naturang pondo ay naipagkaloob sa mga benepisyaryo sa ilalim ng kanilang Medical Access Program (MAP).

 

Kabilang sa mga benepisyaryo sa Luzon ang 2,737 indigents mula sa National Capital Region (NCR) na tumanggap ng kabuuang P40.9 milyong halaga ng medical assistance; 5,408 beneficiaries mula sa Northern at Central Luzon na nabigyan ng P40.5 milyon at 5,546 ang mga benepisyaryong nagmula sa Southern Tagalog at Bicol Region na nakatanggap ng P35.1 milyon.

 

Sa Visayas, nagkakahalaga naman ng P31.4 milyong medical aid para sa 4,518 na indibidwal. Habang ang sa Mindanao ay P27 milyon medical aid para sa 4,330 na indibidwal.

 

Ang MAP, o dating Individual Medical Assistance Program (IMAP), ay idinisenyo upang magkaloob ng medical assistance para sa mga indigent Filipinos, na nangangailangan ng tulong medikal, gaya ng hospital confinement, chemotherapy, dialysis, at post-transplant medicines.

 

Ang naturang programa ay pinupondohan mula sa kita ng mga PCSO games sa buong bansa. Toto Nabaja