P17B proposed 2023 budget ng DMW inaprubahan na

P17B proposed 2023 budget ng DMW inaprubahan na

November 11, 2022 @ 8:05 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Senado nitong Huwebes, Nobyembre 10 ang P16.96 bilyon halaga ng budget na hirit ng Department of Migrant Workers sa susunod na taon upang ganap na maipatupad ang programa ng bagong ahensya.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, dinagdagan nila ng P2 milyon ang budget ng ahensya mula sa initial proposal nito na P14 bilyon.

“Nilagay natin sa isang bahay ang lahat ng serbisyo para sa mga OFWs bilang tugon sa matagal na nilang dinadaing na hirap sa mga prosesong kailangan nilang pagdaanan mula deployment hanggang repatriation at reintegration,” sinabi ni Villanueva.

Ayon naman kay Senador JV Ejercito, nakapag-amba ng P2.093 trilyon sa nakalipas na limang taon ang mga overseas Filipino workers kung kaya’t nararapat lamang ang DMW sa naturang budget.

Nagresulta ito upang ipanawagan ni Senador Allan Peter Cayetano ang mas malaking budget para sa ahensya sa mga susunod pang taon.

“I know it is simply organizational, but the reason why we… filed this bill… para the buck stops with them. Kung may complain ang OFW, isang pangalan lang: Ople,” ani Cayetano.

“I’m just saying vis-a-vis the [P2 trillion] na binigay ng OFWs, ano ba naman ‘yung P25- or P30- or P50 billion na budget na kumpletos rekados,” dagdag pa niya.

Hinimok naman ng Senador ang DMW na magdagdag pa ng mga labor attaches na sa kasalukuyan ay mayroon lamang na 40.

“Kung wala kayong tao sa lugar na ‘yon ay napakahirap,” giit ni Cayetano.

“There are Filipinos in all parts of the world… maybe we can appeal to our other half, the House of Representatives and the Palace… let us make a significant impact in the first year,” pagdidiin pa niya.

Matatandaan na nitong Abril ay sinabi ni dating Labor Secretary Silvestre Bello III na maisasakatuparan lamang ang lahat ng dapat gawin ng DMW sa oras na maaprubahan na ang implementing rules and regulations (IRR), staffing pattern, at budget nito.

Kung babalikan, ngayong taon lamang din inaprubahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang IRR ng ahensya at ipinakita naman ni Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople nitong Hunyo ang staffing pattern. RNT/JGC