P17M ‘shabu’ nakumpiska sa Pasay

P17M ‘shabu’ nakumpiska sa Pasay

December 10, 2022 @ 12:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nasabat ng mga awtoridad ang halos P17 milyong hinihinalang shabu o methamphetamine hydrochloride at libo-libong piso na halaga ng vape cartridges na naglalaman ng liquid marijuana mula sa anim na abandonadong parcel sa Pasay City, nitong Biyernes ng hapon.

Nagsagawa ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ng seizure bandang ala-1 ng hapon sa isang post office sa kahabaan ng Domestic Road at sa isang warehouse sa kahabaan ng Andrews Avenue.

Natuklasan ang hinihinalang shabu mula sa mga package na idineklarang “kick shield for taekwondo,” “kick shield thick foam rubber,” at tamarind candy.

Base sa NAIA-IADITG, may timbang na 2.5 kilogram ang hinihinalang droga.

Samantala, ang liquid marijuana ay nakuha mula sa parcels na idineklarang multivitamins, beauty lip balms, at herbal tea. Itinago ito sa 45 piraso ng vape cartridges.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang NAIA-IADITG sa nasamsam na kontrabando. RNT/SA