P18.6M ismagel na sibuyas nasamsam sa Zamboanga

P18.6M ismagel na sibuyas nasamsam sa Zamboanga

January 31, 2023 @ 4:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Mahigit P18 milyon halaga ng mga ismagel na sibuyas ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Zamboanga (POZ) na sakay ng isang barko sa Brgy Ayala, Zamboanga City, noong Enero 25.

Ayon sa BOC, sa pamamagitan ng Water Patrol Division, naharang ng POZ ang 5,611 mesh bag ng imported na pulang sibuyas na may tinatayang market value na P8.5 milyon at 2,249 mesh bag ng imported na puting sibuyas na nagkakahalaga ng P10.1 milyon sa isang maritime patrol operation.

Nakasakay ang mga kontrabando sa isang sasakyang pandagat na may markang “MV Princess Nurdisza,” na galing umano sa Taganak, Tawi-Tawi patungong Brgy. Baliwasan, Zamboanga City.

Nabatid sa BOC na nabigo ang crew ng nasabing sasakyang pandagat na magbigay ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Department of Agriculture (DA)-Bureau of Plant Industry para sa mga kalakal, kaya nilalabag nila ang Section 1401 ng Republic Act (R.A.) 10863, na kilala bilang “Customs Modernization and Tariff Act of 2016”, na may kaugnayan sa R.A. 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.”

Ang mga sibuyas ay dinala sa Research Center ng Department of Agriculture sa Barangay Talisayan, Zamboanga City, para sa safekeeping nito.

Iniulat ni District Collector Segundo Sigmundfreud Z. Barte, Jr. na ang pagkakasamsam sa mga nasabing ismagel na sibuyas ay ang ikatlong matagumpay na operasyon ng mga inangkat na sibuyas ngayong linggo, pagkatapos ng operasyon noong Enero 22 at 23. JAY Reyes