P188.4M lotto jackpot kinubra ng trayk driver

P188.4M lotto jackpot kinubra ng trayk driver

November 9, 2022 @ 8:26 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakubra na ng 47-anyos na tricycle driver mula sa bayan ng Guiguinto sa Bulacan ang napanalunang P188.4 million jackpot prize ng Super Lotto 6/49 sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) office sa Mandaluyong City nitong Martes.

Ibinigay ni PCSO general manager Melquiades Robles ang tseke na nagkakahalaga ng P188,471,378 sa nanalo na nakahula sa winning number combination 09-03-19-13-20-29 ng Oct. 23, 2022 Super Lotto 6/49 draw.

Sinabi ng claimant na halos 20 taon na siyang tumataya sa lotto.

“Matagal ko nang inaalagaan ang mga numerong ito. Madalas, tumataya ako kapag alam kong malaki na ang jackpot prize. Kaya sa pagkakataong ito, labis po ang tuwa dahil mababago na ang buhay namin,” anang maswerteng mananaya na hindi na pinangalanan.

Pinaalalahanan naman ng PCSO ang publiko na lahat ng lotto jackpot prizes ay dapat kunin sa PCSO Main Office, Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.

Upang makakuha ng mga premyo, dapat isulat ng mga nanalo ang kanilang mga pangalan at lagdaan sa likod ng nanalong ticket, at magpakita ng dalawang ID na ibinigay ng gobyerno.

Pinapaalalahanan din ang publiko na ang mga premyo na higit sa P10.000 ay sasailalim sa 20 porsiyentong buwis gaya ng nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion law.

Hinihimok ng PCSO ang publiko na tumangkilik sa kanilang mga laro upang makabuo ng mas maraming pondo para sa mga programang pangkalusugan, tulong medikal at serbisyo, at mga kawanggawa.

Sa pamamagitan ng mandatoryong kontribusyon nito, hindi lamang tinutulungan ng PCSO ang mga indibidwal na nangangailangan ng tulong medikal kundi nagbibigay din ng pondo sa mga institusyon ng gobyerno. RNT