P18B kailangan ng DepEd sa pagsasaayos ng mga paaralang nasira ng bagyo, lindol

P18B kailangan ng DepEd sa pagsasaayos ng mga paaralang nasira ng bagyo, lindol

August 2, 2022 @ 7:34 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nangangailangan ang Department of Education (DepEd) ng hindi bababa sa P18 billion para maayos ang mga eskwelahang nasira bunsod ng mga nagdaang kalamidad.

Sa Palace briefing kanina, sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na P18 billion ay ilalaan sa restoration ng mga pasilidad na naapektuhan ng Bagyong Odette at Agaton at ng magnitude 7 na lindol sa Abra.

“We are not just counting the earthquake, pati ‘yung immediate lang po, early 2021 to early 2022, ‘yung mga Typhoon Odette and Agaton, it already amounted to P16 billion. We add pa po the now still-increasing number kasi day by day, ‘yung sa earthquake, nagpapalit ‘yung schools na may damage. Right now, we’re at P1.4 to P1.7 billion, but that’s unverified,” ani Poa.

Dahil malapit nang magbukas ang klase, naghahanap na aniya ang ahensya ng “quick intervention” para tugunan ang mga problema sa silid-aralan na nasira ng mga kalamidad.

Plano ng DepEd na magtayo ng mga temporary learning spaces at naghahanap na sila ng mga lugar kung saan maaaring magsagawa ng klase.

“What we are looking at now po, from the Department of Education’s side, is quick intervention. Nandoon po tayo sa pagtatayo ng mga temporary learning spaces natin. Ito ‘yung spaces made out of light materials pero may bubong po ito para safe namang mag-aral ‘yung ating mga learners,” paliwanag niya.

“We are also looking at available spaces. We are coordinating with the LGUs, the barangays, kung merong mahahanap na mga lugar na hindi naman nagagamit, sa ngayon baka pwedeng gamitin ng ating mga learners,” dagdag ng opisyal.

Ayon kay Poa, humiling na sila sa Department of Budget and Management (DBM) ng P16 billion para sa reconstruction ng mga paaralan.

“Aside from asking for additional budget from the DBM, we are focusing on quick interventions para hindi maantala ‘yung pag-aaral ng ating mga learners,” aniya pa.

Nabatid na aabot sa 9,000 paaralan ang naapektuhan ng lindol sa Hilagang Luzon. RNT/ JCM