P19.65B nailabas na ng DOH para sa benepisyo ng health workers

P19.65B nailabas na ng DOH para sa benepisyo ng health workers

December 27, 2022 @ 2:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pumalo na sa P19.65 billion ang nagastos ng Department of Health (DOH) para sa benepisyo ng mga healthcare workers.

Base sa DOH accomplishment report para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre na ipinresenta sa Palasyo ng Malakanyang, makikita rito na kabilang ang active hazard pay sa benepisyo na ibinigay sa medical personnel.

Iniulat din ng DOH ang probisyon ng One COVID Allowance o Health Emergency Allowance para sa 1,624,045 healthcare workers at special risk allowance para sa 73,711 manggagawa.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bukas ang Office of the President (OP) para sa dayalogo para pag-usapan ang hinaing ng mga nurse at iba pang healthcare workers.

Naniniwala ang Chief Executive na ang benepisyo na ipinagkakaloob sa mga nurse ay hindi sapat lalo pa’t hindi matatawaran ang serbisyo at sakripisyo ng mga ito para masiguro ang kalusugan ng publiko.

Samantala,wiinika pa ng DOH na may 1,430,286 karagdagang pasyente ang naserbisyuhan ngayong taong 2022, na may karagdagang tulong na pumapalo sa P16.6 billion.

Ang DOH din ay nagkaloob ng P11.24 billion na medical assistance sa 1,878,650 pasyente sa pamamagitan ng Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) program “as of November of this year.”

Namahagi rin ito ng P468.59 milyong halaga ng tulong sa lahat ng rehiyon para sa Disaster Risk Reduction and Management in Health (DRRM-H) activities at nagtatag ng karagdagang 40 functional specialty centers, tinatayang nasa 46 na ang kabuuang bilang ng specialty facilities sa buong bansa.

“When it comes to vaccination rate, an additional 3,100,258 individuals have been vaccinated against COVID-19, bringing the official tally of fully vaccinated Filipinos to 73,713,573,” ayon sa DOH.

“On the other hand, some 6,068,268 Filipinos received their first booster, raising the tally to 21,047,212. Meanwhile, a total of 2,843,537 got their second booster shot, increasing the total to 3,691,412 individuals,” dagdag na pahayag ng ahensya. Kris Jose