P19M unclaimed funds ng mga Aeta pinaiimbestigahan ni Padilla

P19M unclaimed funds ng mga Aeta pinaiimbestigahan ni Padilla

September 9, 2022 @ 6:06 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nais ni Senator Robin Padilla na imbestigahan ang hindi pa nakukuhang P19 milyong pondo para sa mga Aeta sa Clark Sub-Zone sa Central Luzon.

Inihain ni Senator Padilla, pinuno ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs, ang Senate Resolution 149 ipang ilunsad ang imbestigasyon.

Tututok ito sa kasunduan noong Disyembre 6, 2007 sa pagitan ng Clark Development Corporation (CDC), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at Tribong Ayta.

“Fourteen years since the signing of the JMA, the Tribong Ayta are yet to receive their full share of the 20% of the net income arising from rentals and use of the ancestral domain as reported by the Aytas of Sitio Haduan, Mabalacat, Pampanga, during an audience on 2 August 2022 with the Office of Senator Robinhood Padilla in Pasay City,” saad sa resolusyon ng senador.

Samantala, ipinaliwanag ni CDC President Manuel Gaerlan, na naka-hold ang mga pondo dahil tatlong grupo ang nagsasabing kinatawan sila ng mga Aeta.

Ang tatlong grupong ito ay ang Bamban Aeta Association Inc., Mabalacat Aeta Tribal Association, at Sangguniang Tribong Aeta.

Nag-deposit ang CDC ng P19 milyon sa isang Land Bank trust fund, dahil sa gusot.

Tatalakayin din sa resolusyon ni Padilla ang karapatan ng mga Aeta, bubusisiin ang implementasyon ng JMA, at papel ng NCIP sa usapin.

Dahil sa isyu, bumisita ang senador sa Pampanga at nakipagkita sa mga Aeta at sa CDC noong AGosto 4. RNT/SA