P1B COVID-19 risk allowance sa health workers, wala pa ring pondo

P1B COVID-19 risk allowance sa health workers, wala pa ring pondo

September 12, 2022 @ 4:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ang P1 bilyong COVID-19 Special Risk Allowance (SRA) para sa mga health worker ay hindi pa rin napopondohan dalawang taon matapos ang pandemya na tumama sa bansa, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Setyembre 12.

Ginawa ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang pahayag nang tanungin ni House Minority Leader France Castro ng Alliance of Concerned Teachers party-list sa presentasyon ng DOH ng P301 bilyon nitong proposed budget para sa 2023 sa harap ng House Appropriations panel.

“Still unfunded is the SRA of 55,844 health workers. We are discussing this with DBM (Department of Budget and Management),” sabi ni Vergeire

Ito aniya ay halagang P1 bilyon at kanila pa ring hinihintay ang kasagutan ng DBM.

Sinabi ni DBM Director Sofia Abad na sinusuri pa ng DBM ang kahilingan ng DOH para sa isang health worker na SRA.

Dagdag pa ni Abad, sinusuri nila ang pagiging angkop ng mga claims upang maiproseso ang paglabas ng mga pondo.

Hindi bababa sa 400 health workers ang namatay dahil sa COVID-19 mula nang tumama ang pandemya sa bansa noong Marso 2020. Jocelyn Tabangcura-Domenden