P1B Marawi funds, pinadagdagan ni Bato: ‘Di sapat, baka magkagulo’

P1B Marawi funds, pinadagdagan ni Bato: ‘Di sapat, baka magkagulo’

September 15, 2022 @ 5:36 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na baka magkagulo kapag hindi nadagdagan ang P1 bilyong pondo para sa kumpensasyon ng biktima ng Marawi siege dahil hindi makasasapat ito sa bilang ng benepisaryo.

Sa pahayag, ipinahayag ni Dela Rosa, vice chairperson ng Senate finance committee, ang kanyang pangamba matapos ang naganap na briefing sa Senado ng Development Budget Coordinating Committee para sa 2023 proposed National Expenditure Program (NEP).

Nakatala sa 2023 NEP, tanging P1 bilyon ang inilaan para sa Marawi Siege Compensation Fund na gagamitin para sa legal na may-ari ng mga kabahayan, kultural at komersiyal na istruktura at iba pang ari-arian sa Marawi’s Main Affected Areas or Other Affected Areas na nasira o nawasak, sa naganap na giyera noon sa Marawi at may-ari ng mga pribadong ari-arian na giniba sa pagpapatupad ng Marawi Recovery, Rehabilitation, and Reconstruction Program.

Iginiit ni Dela Rosa, chairperson ng Senate Special Committee on Marawi City Rehabilitation and Victims’ Compensation, na maaaring samantalahin ng extremist ang P1 bilyong badyet sa 2023 upang lumikha ng galit sa pamahalaan.

“Nasusundan ko po ang mga development nito and ang takot ko lang nito ay kapag dumagsa yung mga claimants doon, P1 billion is not enough…pwede na naman ito gawing issue sa ating ng mga, alam mo na, ‘yung mga extremists. Magiging breeding ground na naman uli itong Marawi for radicalization by exploiting this issue na napabayaan sila na ilang taon na silang hindi nakabalik sa kanilang bahay because problema nga nitong compensation na hinihintay nila para ma-reconstruct nila o ma-rebuild uli nila ‘yung kanilang negosyo doon sa Marawi City,” paliwanag niya.

Sinabi ni Dela Rosa na bago lagdaan ang Republic Act 11696 o ang Marawi Siege Victims Compensation Act bilang batas ni dating Pangulong Duterte, tinaya ng Kongreso sa naganap na deliberasyon na aabot sa P30 bilyon ang kanilang para naturang batas.

“Ang akin lang is just moving forward… This P1 billion is not enough. So, mayroon ka bang plano kung mayroon kang makukunan kung maso-short tayo sa P1 billion? Kasi alam mo na ‘yung mga kababayan natin doon ay matagal naghintay nito. Sigurado ako ‘pag ma-create na ‘yung (compensation) board at tatakbo na ‘yung board, mag-operationalize na ‘yung board, sigurado ako dadagdsain ito (ng beneficiaries)…mawawala yan (P1 billion) kaagad,” tanong niya kay Budget Secretary Amenah F. Pangandaman.

Sinabi naman ni Pangandaman na maaaring magdagdag ng pondo ang komite para sa compensation budget.

Ayon naman kay Senador Sonny Angara, chairperson ng finance panel, na maaaring maibigay ang karagdagang pondo kung kinakailangan. Ernie Reyes