P1B Marawi siege compensation fund pasok sa 2023 budget

P1B Marawi siege compensation fund pasok sa 2023 budget

September 7, 2022 @ 7:56 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Naglaan ang administrasyong Marcos ng  P1 bilyon para mabayaran ang mga biktima at nadamay sa Marawi Siege noong 2017.

Sa isang kalatas, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na kasama ang Marawi Siege Victims Compensation Fund  sa panukalang P5.268-trillion 2023 national budget sa ilalim ng P31-billion National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) o calamity fund.

“The Marcos administration thinks that, apart from rehabilitation of infrastructure, priority should also be given to the people of Marawi. This is the first time that the budget was allotted solely for victim compensation,” ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Ayon sa DBM ang unang  budget para sa  Marawi rehabilitation ay kasama sa  2018 General Appropriations Act (GAA).

Gayunman, mula sa taong 2018 hanggang 2022,  ang pondo ay inilaan lamang para sa rehabilitation efforts,  kabilang na ang  infrastructure projects.

“The compensation will greatly rev up the rehabilitation process and recovery of the war-torn city, especially [for] our people,” ayon sa Kalihim.

Ayon pa rin sa  Budget Department ang  P1-billion compensation fund ay mapupunta sa “any lawful owner of residential, cultural, commercial structures, and other properties in Marawi’s main affected areas or other affected areas destroyed or damaged, either totally or partially, on the occasion of the Marawi siege’; at owners of private properties demolished pursuant to the implementation of the Marawi Recovery, Rehabilitation, and Reconstruction Program, in accordance with R.A. No. 11696 and guidelines to be promulgated by Marawi Compensation Board”.

Ayon pa rin sa DBM ang  reparation fund ay alinsunod sa Marawi Siege Victims Compensation Law o Republic Act 11696 na nilagdaan upang maging ganap na batas noong Abril 2022.

Matatandaang, nilagdaan  ni dating Pangulong Rodrigo Roa  Duterte ang Republic Act No. 11696, o ang Marawi Siege Compensation Act of 2022 o ang batas na magiging daan upang mabayaran ang mga biktima at nadamay sa Marawi Siege noong 2017.

Ayon sa bagong batas, magkakaroon ng isang independent at quasi-judicial body na tatawaging Marawi Compensation Board na pamumunuan ng isang chairman at walong mga miyembro na itatalaga ng Pangulo.

Ang mga naulila dahil sa Marawi siege, kabilang na ang mga naiwan ng mga ipinapalagay nang namatay ay makakatanggap ng kompensasyon.

Ang mga may-ari ng “residential, cultural, commercial structures and other properties” na nasa loob ng main affected areas (MAAs) at iba pang apektadong lugar o other affected areas (OAAs) na nasira dahil sa siege ay makakatanggap ng kompensasyon na tax-free.

Nasa 168 na sundalo at pulis at 900 na miyembro ng militanteng grupo at ilang sibilyan ang namatay sa limang buwang bakbakan sa pagitan ng ­gobyerno at ng teroristang grupo sa Marawi noong 2017. Kris Jose