P1M pabuya alok sa makapagturo sa pumatay sa babaeng modelo

P1M pabuya alok sa makapagturo sa pumatay sa babaeng modelo

January 4, 2023 @ 11:10 AM 3 weeks ago


DAVAO CITY – NAG-ALOK ng P1-milyong pabuya ang Davao City Police Office (DCPO) sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon o makapagturo sa mga suspek sa pagpatay kay Yvonnette Chua Plaza noong Disyembre 29, 2022, sa lungsod na ito.

Sa pagharap sa media kahapon ni Col. Albert Lupaz, director ng Davao City Police Office (DCPO), hiniling niya ang kooperasyon sa publiko para maresolba ang pagpatay kay Plaza.

Magugunitang pinagbabaril nang malapitan si Plaza ng mga salarin na riding in tandem sakay ng isang motorsiklo sa labas ng kanyang inuupahang bahay dakong alas-7:30 PM sa Green Meadows Subdivision sa Barangay Santo Niño, Tugbok District.

Sa ngayon patuloy ang pangangalap ng mga imbestigador ng CCTV footage sa pag-asang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga gunmen.

Sinabi ni Lupaz, na mayroon na silang dalawang persons of interest na iniimbestigahan.

Ayon naman kay Police Major Eudisan Gultiano, tagapagsalita ng Special Investigation Task Group (SITG), na posibleng may kaugnayan ang persons of interest sa pagpatay kay Plaza.

Tiniyak ng PRO-Davao sa publiko ang isang ‘fair, impartial and unbiased conduct of investigation.’

Gayunpaman, tumanggi ang pulisya na magbigay ng mga detalye hinggil sa pagkakakilanlan ng mga persons of interest dahil hindi pa nila matukoy kung talagang sangkot sila sa krimen.

Ngunit sinabi ni Gultiano na maaaring pagnanakaw ang motibo sa pagpatay dahil lumilitaw na ang pagkuha ng kanyang mga gamit ay incidental lamang, na nangyari lamang matapos siyang barilin sa malapitan.

“Base sa CCTV, ang unang ginawa ng mga suspek ay binaril siya kaagad. Ang pagkuha ng kanyang bag ay nagkataon lamang o naisip lang… Sa katunayan, gusto nila siyang barilin sa pangalawang pagkakataon ngunit ang baril ay naka-jam,” aniya.

Posible rin umanong personal na galit ang nagtulak sa mga suspek para patayin ang biktima.

Idinagdag ni Lupaz na ang pamilya ng biktima ay nagbigay ng pahintulot sa mga imbestigador na isumite ang kanyang iPad at mobile phone para sa pagsusuri upang makakuha ng iba pang ebidensya at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek./Mary Anne Sapico