P1M pabuya, alok sa makapagtuturo sa killer ng Davao City model

P1M pabuya, alok sa makapagtuturo sa killer ng Davao City model

January 3, 2023 @ 6:00 PM 1 month ago


DAVAO CITY – Inaalok ang pabuyang P1 milyon sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa gunmen na pumatay kay Yvonnette Chua Plaza noong Dec. 29, 2022, sa Davao City, ayon sa Davao City Police Office (DCPO) nitong Martes.

Sa press conference, hiniling ni Col. Albert Lupaz,direktor ng Davao City Police Office (DCPO), sa publiko ang kooperasyon sa pagresolba sa pagpatay sa 38-anyos na si Plaza, na isang modelo at entrepreneur.

Patay ang biktima matapos barilin ng riding in tandem sa labas ng nirerentahang bahay bandang alas-7:30 ng gabi sa Green Meadows Subdivision sa Barangay Santo Niño, Tugbok District.

Inilahad ni Lupaz na walang saksi na makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek, na kapwa nakasuot ng helmet.

Aniya, nangangalap na ang mga imbestigador ng CCTV footage sa pag-asang matutukoy kung sino ang mga suspek.

Aniya pa, iniimbestigahan ang dalawang persons of interest.

Sinabi ni Police major Eudisan Gultiano, tagapagsalita ng Special Investigation Task Group (SITG), na posibleng may kaugnayan ang persons of interest sa pagpatay kay Plaza.

Binuo ng Police Regional Office (PRO)-Davao ang SITG upang manguna sa imbestigasyon sa krimen.

Tiniyak naman ng PRO-Davao sa publiko ang ‘fair, impartial and unbiased conduct of investigation.’

Subalit, ayon kay Gultiano, pwedeng alisin ang motibong robbery sa pagpatay dahil lumalabas umano na “incidental” lamang ang pagkuha ng mga kagamitan ng biktima, na nangyari lamang nang mabaril na ito.

“Based on the CCTV, the first thing that the suspects did was to shoot her right away. The taking of her bag was only incidental or just came as an afterthought… In fact, they wanted to shoot her for the second time but the gun jammed,” sabi niya.

Dagdag niya, posibleng may personal na galit sa biktima ang ang mga pumatay. RNT/SA