P1M pabuya sa hitman ng ex-punong barangay

P1M pabuya sa hitman ng ex-punong barangay

April 2, 2022 @ 10:41 AM 3 months ago


CAMARINES SUR- Naglaan ng P1 milyon si Camarines Sur Representative LRay Villafuerte sa sinumang makapagturo o makahuli sa suspek na pumatay sa dating punong barangay nitong Miyerkules sa bayan ng San Jose.

Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan sa suspek na bumaril kay ex-PB Jonathan Clidoro, 43-anyos, ng Barangay Catalotoan, San Jose, Camarines Sur.

Matatandaang nitong  Miyerkules, bandang alas-2 ng hapon habang nagpapahinga ang biktima sa kanyang duyan dahil napagod sa katatapos lamang na kampanya ay bigla na lamang dumating ang suspek at tinanong pa ang biktima kung siya si Jonathan Clidoro at sumagot naman ang huli na siya ang hinahanap ng una.

Kaagad na pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan saka mabilis naman tumakas ang suspek.

Unang dinala sa isang pribadong pagamutan sa Camarines Sur ang biktima at kalaunan ay inilipat ito sa Bicol Medical Center at ilang minuto lamang ang nakalipas ay nalagutan na rin ito ng hininga.

Posible naman ilalagay ng pulisya sa hot spot ang naturang bayan kapag may kinalaman election ang motibo sa krimen. Mary Anne Sapico