P1M puslit na sigarilyo, naharang

P1M puslit na sigarilyo, naharang

October 19, 2022 @ 10:28 AM 2 months ago


DAVAO CITY – Higit sa P1-milyong halaga na mga puslit na sigarilyo ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa apat na nadakip na suspek nang maharang sa isinagawang checkpoint ang sinasakyan nilang cargo truck Martes ng madaling-araw, Oktubre 18 sa bayan ng Toril.

Kinilala ni Col. Darren Comia, Task Force Davao (TFD) commander, ang mga nadakip na sina Arturo Albania, 55, Glen Lumapas, 46, Alvin John Elorcha, 27, at Nolven Reponte, 31, lahat ay taga Matanao town, Davao del Sur.

Ayon kay Comia, dakong 12:40AM ng maharang ang mga suspek sa Barangay Sirawan, Toril District.

Nakumpiska ng mga tauhan ng Davao City Police Office mula sa kulay puting Isuzu forward truck ang 2,050 ream na iba’t ibang uri ng sigarilyo at tinatayang may street value na P1,025,000.

Kasalukuyan nasa kustodiya ng Toril police station ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 4712, an act amending certain sections of the Tariff and Customs Code of the Philippines.

“I commend the troops for their diligence and truthfulness to their duties, any time of the day,” ani Comia.

Maliban sa paglaban sa terorismo ay dapat rin na lalo pang higpitan ng TFD ang mga ilegal na kontrabando na pumapasok sa naturang lungsod sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon sa mga border control point. Mary Anne Sapico