P1M shabu nakumpiska sa drug runner

P1M shabu nakumpiska sa drug runner

October 26, 2022 @ 2:35 PM 1 month ago


ILOILO CITY — Arestado ang isang drug runner matapos makuhanan ng 150 gramo ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad bayan ng Pototan ng probinsyang ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Lance Peñafiel Florida, 21-anyos at residente ng Rizal Street, ng nasabing bayan.

Sa isinagawang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Iloilo Police Provincial Office-Provincial Drug Enforcement Unit (IPPO-PDEU), nadakip ang suspek Martes ng hapon, Oktubre 25 sa naturang lugar.

Ayon kay Captain Francis Albert Fortunado of IPPO-PDEU, nakabili ang operatiba ng P100,000.00 halaga ng shabu.

Nakuha rin sa suspek ang 150 gramo ng shabu na aabot sa halagang 1-milyon.

Sinabi ni Fortunado na kilala ang suspek bilang delivery boy ng malaking grupo ng drug dealer sa ikatlong distrito ng nabanggit na probinsya.

Tumagal ng isang buwan ang monitoring laban sa suspek bago ilatag ang anti-drug operation laban sa suspek matapos pumayag na personal na ang transakyong gagawin dahil sa pamamagitan lamang ng Gcash ang ginagawa nilang bayaran.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Florida. Mary Anne Sapico