P1T halaga ng airport projects target makumpleto ng DOTR sa 2023

P1T halaga ng airport projects target makumpleto ng DOTR sa 2023

October 10, 2022 @ 6:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Target ng Department of Transportation (DOTr) na makumpleto ang P1-trilyon halaga ng construction at rehabilitation projects sa iba’t ibang paliparan sa bansa sa susunod na taon.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista target ng ahensya na mapataas pa ang kapasidad ng airport terminal building at mapabuti ang mga pasilidad sa pamamagitan ng teknolohiya.

“These projects are all set to be completed by 2023. They have a total projected cost of close to P1 trillion — that’s a T, not a B,” ani Bautista kasabay ng EJAP Infrastructure Forum.

Kabilang sa mga proyektong nakalinya sa konstruksyon at rehabilitasyon ay ang Antique Airport, Bacolod-Silay Airport, Catbalogan Airport, Davao International Airport, M’Land Airport, Ozamis Airport, San Vicente Airport, Sanga Sanga Airport sa Tawi-Tawi, Tacloban Airport, at Tuguegarao Airport.

Plano rin ayon kay Bautista na magsagawa ng upgrade at expansion maging ang pagpapatakbo sa pamamagitan ng public-private partnership scheme ang 10 regional airports sa bansa.

Ito ay ang mga paliparan sa Bacolod, Bicol, Bohol, Busuanga, Davao, Iloilo, Kalibo, Laguindingan, Puerto Princesa, at Siargao.

Itatayo rin ang apat na bagong regional airports sa Dumaguete, Masbate, Siargao at Zamboanga.

Maliban dito, plano rin ng DOTR ang modernization ng ilang mga existing major international gateways tulad ng P206.96-million airside improvement projects sa Bicol International Airport.

Inaasahan na rin magsisimula sa 2023 ang konstruksyon ng P500-milyon halaga na Sangley Point International Airport.

“While there may be challenges in the completion of these big-ticket projects, the DOTr, CAAP, and other aviation agencies continuously work towards creating a fully connected Philippine sky,” ani Bautista. RNT/JGC