P1T itutulong sa irigasyon ng bansa sa ilalim ng PPP – Antiporda

P1T itutulong sa irigasyon ng bansa sa ilalim ng PPP – Antiporda

September 5, 2022 @ 1:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kumpiyansa si National Irrigation Administration (NIA) Administrator Benny Antiporda na simula nang masosolusyunan ang malaking problema ng mga magsasaka sa irigasyon kasunod ng pangakong suporta ng mga private investor investor kung saan P1 trilyong pondo ang inaasahang ibubuhos para rito.

Sa budget briefing na isinagawa ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Antiporda na iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na alamin ng NIA kung gaano kalaki pang lupain ang kailangan ng irigasyon, na aniya base sa kanilang ginawang pag-aaral ay nasa 1.1 milyong hektarya pa ang nangangailangan ng irigasyon.

Ani Antiporda, kung popondohan ito ng gobyerno ay aabutin ng P800 bilyon, sa kasalukuyang sitwasyon ay hindi ito kakayanin na budgetan ng pamahalaan kaya naman nakatakdang pumasok ang NIA sa isang Public Private Partnership (PPP).

“As of this moment nakakatanggap kami ng pledges coming from investors at nasa P1T ang nakikita nating pondong papasok sa ilalim ng PPP,” paliwanag ni Antiporda.

Sa nasabing pagdinig inamin ni Antiporda na isa sa nagiging problema sa mabagal na implementasyon ng mga proyekto ng NIA ay ang mga feasibility study para sa isang proyekto na inaabot ng ilang taon.

Giit ni Antiporda, babaguhin nila ang ganitong sistema at kanilang hahabulin ang mga consultant na mabagal sa pagsusumite ng feasibility studies.

Samantala, isa pa sa nakatakdang tutukang proyekto ng NIA sa susunod na taon ay magkaroon ng lalagyan para sa nakokolektang tubig ulan na magagamit sa irigasyon.

“Ang ating bansa ay sobra sobra sa tubig eh, ang nagiging problema ay wala tayong lalagyan. Kaya ito ang ating tutukan para walang maging problema sa supply ng tubig ang mga magsasaka sa panahon ng tag- araw,” paliwanag ni Antiporda.

Tiniyak din ni Antiporda na ang mga rice producing provinces ay kanilang prayoridad sa irigasyon pangunahin na ang Nueva Ecija, Isabela at Camarines Sur na ang top rice producing provinces ng bansa. Gail Mendoza