P2.1M puslit na sigarilyo, shabu naharang sa Davao

P2.1M puslit na sigarilyo, shabu naharang sa Davao

July 18, 2022 @ 9:58 AM 3 weeks ago


TORIL, Davao- Hindi nakalusot ang higit sa P2.1 milyon halaga ng mga puslit na sigarilyo at iligal na droga na pumasok sa Davao City matapos maharang ng mga awtoridad sa isinagawang checkpoint sa bayang ito.

Kinilala ni Col. Darren Comia, Task Force Davao (TFD) ang mga nadakip na suspek na sina Romel Penetrante, 43, at Robert Penetrante, 25, kapwa ng Barangay Sasa.

Batay sa report ng Task Force Davao (TFD), dakong 2:00 AM naharang closed delivery truck sa Barangay Sirawan, Toril District.

Nadiskubre ang mga karga nito na 4,250 reams ng sigarilyo na nakalagay sa 85 kahon.

Sunod naman ay naharang rin ang suspek na si Oliver Opias, 32, ng Barangay Tibungco, sa isinagawang checkpoint sa Barangay Lasang, Bunawan District.

Si Opias ay sakay ng public utility ng makuha mula rito ang pinaniniwalaan shabu na may bigat na 0.09 gramo na aabot sa halagang P1,440 street value.

Sinabi naman ni Comia na lalo pa nilang pinaigting ang pagbabantay sa pamamagitan ng checkpoint operations sa lahat ng border control points para maiwasan ang pagpasok ng mga illegal na kalakal para hindi maapektuhan ang ekonomiya sa lungsod./Mary Anne Sapico