P2.3M tobats ipupuslit sa Bilibid buking!

P2.3M tobats ipupuslit sa Bilibid buking!

July 12, 2022 @ 12:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines = Arestado ng mga tauhan ng Inmate Visitation Service Unit-BuCor ng Bureau of Corrections (IVSU-BuCor) ang isang 33-taong-gulang na babae matapos magtangkang magpuslit ng ₱2,380,000 halaga ng shabu sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City nitong Hulyo 10, ayon sa report ng Southern Police District (SPD).

Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang babaeng suspect na si Raquel Zuñiga y Artiaga, 33, residente ng Marasaga St., Tatalon, Quezon City.

Base sa report na natanggap ni Macaraeg, napigil ang tangkang pagpuslit ng illegal na droga ng suspect dakong ala 1:00 ng hapon sa frisking area ng mga bumibisita sa mga bilanggo ng NBP maximum security compound, Muntinlupa City.

Sinabi ni Macaraeg na inaresto si Zuñiga makaraang dumaan ito sa routine body search ng mga bisita na dadalaw sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na isinasagawa ng mga tauhan ng IVSU-BuCor.

Narekober kay Zuñiga ang mahigit 350 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱2,380,000 na nakalagay sa apat na selyadong kulay puting envelop na nakatali sa isang plastic bag.

Kasong paglabag sa Section 11 Article II of RA 9165 ang kinahaharap ng suspect sa Muntinlupa City prosecutor’s office.

Ayon kay Macaraeg, patuloy na pinaiigting ng SPD ang kanilang koordinasyon sa BuCor at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang mapigil ang aktibidad ng illegal na droga sa NBP gayundin sa iba pang mga kulungan at pasilidad.

“The campaign on illegal drugs is our top priority. We will continue our partnerships with the BJMP and BuCor to strengthen our drive to prevent all opportunities for traffickers to continue peddling drugs,” ani Macaraeg. James I. Catapusan