P2.5B kinaltas ng Senado sa badyet ng PNOC vs kapalpakan sa mandato – Gatchalian

P2.5B kinaltas ng Senado sa badyet ng PNOC vs kapalpakan sa mandato – Gatchalian

November 12, 2022 @ 2:28 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Kinaltasan ng Senado ang badyet ng Philippine National Oil Company (ONOC) ng P25 bilyon sa 2023 dahil nawawala sa mandato ang ginagawa ng kompanya partikular ang paghahanap ng alternatibong pagkukunan ng enerhiya at tiyakin ang sapat na suplay, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Sa pahayag, sianbi ni Gatchalian, chairman ng Senate Finance Subcommittee E bna bahagi ang hakbang upang himukin ang kumpanya na muling ituon ang mandato nito sa pagbibigay ng sapat na suplay ng langis kabilang ang pagdiskubre ng mga panibagong mapagkukunan ng langis at gas.

Nakalaan sana ang pondong P2.5 bilyon para sa Targeted Fuel Relief Program (TFRP) at sa strategic petroleum reserve (SPR) program ng PNOC.

Pero sinabi ni Gatchalian na ang fuel relief program ay katulad na ng Pantawid Pasada program ng gobyerno samantalang ang SPR program ay kailangan pang dumaan sa isang feasibility study na gugugol pa ng bilyung-bilyong piso bago pa maipatupad,” punto ni Gatchalian.

“Ang layon talaga ng PNOC ay magbigay ng sapat na suplay ng langis at gas sa bansa pero lumalabas na ilan sa mga proyektong ipinatutupad nito ngayon ay hindi naaayon sa iminandato ng pamahalaan, tulad ng fuel relief program. Ilan din sa mga proyektong ito ay kulang sa feasibility studies at hindi makakatulong sa pagkamit ng energy security ng bansa,” ani Gatchalian.

Bilang vice chairman ng Senate Committee on Energy, nauna nang nanawagan si Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na ayusin ang PNOC at magtakda ng patnubay para sa kumpanya, dahil sa paniniwala nyang bigo ang PNOC at mga subsidiary nito na ipatupad ang talagang mandato nila.

“Ang PNOC dapat ang tutulong sa gobyerno upang makahanap ng mga oil at gas fields pero alam nating lahat na iisa pa lang ang nahanap na major oil and gas field sa bansa at ‘yan ay ang Malampaya,” ayon kay Gatchalian.

Upang matulungan ang PNOC na muling ituon ang operasyon nito patungo sa talagang mandato nito, naghain si Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong magtatag ng pambansang patakaran para sa oil and gas exploration at development sa bansa sa pamamagitan ng pag-amyenda sa charter ng PNOC.

Binigyang diin ng senador na layon ng Senate Bill No. 380 na magbigay sa PNOC ng eksklusibong mandato na magsagawa ng oil and gas exploration at development programs upang mabawasan ang pag-angkat ng bansa ng langis sa gitna ng mataas na presyo ng petrolyo, na nagiging sanhi rin ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at nagpapahina sa paglago ng ekonomiya.

“Mahalagang mapagtibay natin ang mandato ng PNOC para magkaroon pa tayo ng mga oil and gas development projects na magpapalakas sa ating energy security position,” dagdag nya. Ernie Reyes