P2.5B shabu nakumpiska sa Pangasinan

P2.5B shabu nakumpiska sa Pangasinan

August 13, 2022 @ 10:30 AM 1 month ago


POZORRUBIO, Pangasinan – Arestado ang isang Chinese national at 3 Filipino na kasama nito matapos makuhanan ng 360 kilograms na shabu matapos lusubin ang isang bodega Biyernes sa bayang ito.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Ke Wujia alias James Dagale Galopo, 49, Chinese national at residente sa San Vicente Sur, Agoo, La Union.

Habang ang tatlong Filipino na kasama nito ay kinilalang sina Johnbert Yagong, 22, ng San Agustin Norte, Agoo, La Union; Jenson Rey Yago, 29, ng Napaturan, Brgy. Cod Cod, San Carlos City, Negros Occidental; at Ritchell Repuesto, 28, ng San Carlos City, Negros Occidental.

Ayon kay Rechie Q. Camacho, Investigation Agent V ng Philippine Drug Enforcement Agency Pangasinan Provincial Officer, sinalakay ng pinagsamang pwersa ng PDEA Intelligence Service, National Office (led unit), PDEA NCR (National Capital Region), PDEA RO1 (Regional Office 1), PDEA Pangasinan, Team Navy, Pozorrubio Police, Pangasinan Police Provincial Office, at Regional Intelligence Division ang isang bodega na matatagpuan sa Blue House in Turquoise St., Sunshine Village, Brgy. Banding ng naturang bayan.

Nakuha sa mga suspek ang mga shabu na nakalagay sa tea bag na may nakasulat na Chinese na aabot sa halagang P2.5 bilyon.

Nakuha rin sa mga suspek ang dalawang cell phone, analog phones, iba’t ibang klase ng identification cards, mga dokumento at boodle money.

Sinabi ni Camacho na ang mga suspek ay mga big time supplier ng shabu sa mga kalapit na rehiyon kasama ang Region 3.

Kasalukuyan nasa kustodiya PDEA ang mga nadakip na suspek pati na rin ang mga nakumpiskang shabu sa para tamang disposisyon at pagsampa ng kaukulang kaso. Mary Anne Sapico