P2.5B TULONG MULA SA PCSO

P2.5B TULONG MULA SA PCSO

September 14, 2022 @ 4:01 PM 2 weeks ago


NAPAKALAKING halaga ang ibinigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa kaban ng bayan bilang regalo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nitong Sept. 13 para sa kanyang 65th birthday.

Ang pondo, ayon kay PCSO general manager Mel Robles, ay idadagdag sa Universal Health Care Program ni Pangulong Bongbong na automatikong nagsasali sa bawat Filipino sa National Health Insurance Program.

Kainam ng regalo/tulong na ito ng PCSO, pero ito ay talaga namang isinasaad ng bagong batas na Republic Act 11223, o ang tinatawag na Universal Health Care Act. Inaatasan nito ang PCSO na itabi ang 40 percent ng charity fund para matulungan ang insurance program.

At sa batas na yan, mayroong Joint Circular No. 0001-2022 na nagsisilbing gabay o ‘guidelines’ sa pagpapatupad ng RA 11223 – na ang pondong galing sa PCSO at sa Philippine Amusement and Gaming Corporation ay limitado lamang gamitin sa pagpapaganda ng programa.

Hindi maaaring galawin ng mga magnanakaw sa PhilHealth para sa administratibong gastusin halimbawa ang ni kusing o singkong duling.

Sa ating pangangalap ng ‘info’, ang suportang P2.5 bilyon ng PCSO sa UHCP ay galing sa kanilang ‘net charity fund’ mula noong last quarter ng 2019 hanggang Dec. 31, 2021 na nagkakahalaga ng P1.74 bilyon. Sinama narito ang P837 milyong pondo namang nakalap mula una at pangalawang quarter ng 2022 kaya naging P2.5 bilyon.

Mukhang nasa mabuting mga kamay ng pamamahala ang ahensiya. Magkano naman kaya ang maitutulong ng PAGCOR.

Anyway, by the way, highway, natatandaan pa ba ninyo, noong unang State of the Nation Address ni PBBM, ipinangako niya na palalakasin niya ang ating ‘healthcare system’. Dahil di raw kailangang antayin pa na ang mga Filipino pa ang pupunta para makahingi ng mga medical service.

Mukhang sa tulong at pondo pa lang na galing sa PCSO ay unti-unti nang natutupad ang pangako ni Presidente Marcos noong SONA. Paano pa kung ang PAGCOR tulad ng PCSO ay magreremit na rin?
oOo oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!