P2.6-B gagastusin ng PhilSA sa satellite projects

P2.6-B gagastusin ng PhilSA sa satellite projects

October 18, 2022 @ 10:33 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Gugugol ang Philippine Space Agency (PhilSA) ng P2.578 bilyong piso sa Multispectral Unit for Land Assessment (MULA), ang satellite development project ng Pilipinas na target na ilunsad sa taong 2024.

Sinabi ni PhilSA Director General Joel Joseph Marciano Jr. sa Senado na inaasahan na kikita ang bansa ng P5.782 bilyong piso mula sa MULA, karamihan ay mula sa “value of the data produced within a five-year lifetime for a single satellite.”

“Ine-negotiate po natin with other countries which have the rockets and the commercial services for launching satellites. Kinakausap po natin ‘yung mga space agency sa ibang bansa or even ‘yung commercial outfits para isakay ‘yung satellite,” ayon kay Marciano.

Para sa taong 2023, naglaan ang PhilSA ng P828 milyong piso para ipagpatuloy ang pagde-develop ng MULA project.

Ang satellite ay maaaring mag-travel sa buong mundo o sangkalupaan ng 15 beses sa isang araw, inaasahan na pakikinabangan ng Pilipinas sa paglikha ng commercial opportunities para sa data at bumuo ng partnerships sa ibang bansa.

Nang makakuha ang PhilSA ng lisensiya ng rebuilding o muling pagtatayo ng operational application-specific satellite gaya ng MULA, sinabi ni Marciano na iko- customize nila ito upang makapagpatayo ng mas magandang bersyon.

“Gusto natin i-increase ang local content. We will work with local companies to contribute inputs to do future versions of the satellite. ‘Yun po yung ating pathway na magkaroon tayo ng industriya sa space dito sa ating bansa ,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, humihirit ang PhilSA ng P756.325 milyong piso para pondohan ang 2023 operations nito.

“It is also in negotiation with the Philippine Amusement and Gaming Corporation and the Bases Conversion and Development Authority for capital outlay to be used in building satellite testing facilities,” ayon naman sa ulat.

Ang PhilSA, sa ilalim ng Office of the President, ay tumutugon sa lahat ng national issues at activities na may kaugnayan sa “space science at technology applications.”

Nilikha sa ilalim ng Republic Act No. 11363 o Philippine Space Act na tinintahan noong 2019, ang PhilSA ay may mandato na “to be the primary policy, planning, coordinating, implementing, and administrative entity of the Executive Branch of the government that will plan, develop, and promote the national space program in line with the Philippine Space Policy.” Kris Jose