P2.65M halaga ng cocaine, nasabat sa Taguig

P2.65M halaga ng cocaine, nasabat sa Taguig

November 27, 2022 @ 9:44 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Aabot sa P2.65 milyon halaga ng cocaine ang nasabat ng mga awtoridad sa ginawa nilang pagsalakay sa isang storage facility nito sa Taguig.

Sa pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ay natunton nila ang isang warehouse sa Taguig kung saan nakuha nila mula rito ang nasa 500 gramo ng suspected cocaine.

Nagkakahalaga ito ng nasa P2.65 milyon samantala natuklasan din ang iba’t ibang uri ng e-cigarettes o vape cartridge na naglalaman ng hinihinalang marijuana oil.

Dagdag pa, may nasa 30 gramo din ng hinihinalang kush o hybrid marijuana ang nakuha dito.

Maliban sa mga illegal na droga ay nakuha din ng mga awtoridad mula sa naturang pasilidad ang mga identification cards, small transparent glass at plastic tube container na pinaglagyan ng marijuana oil, samu’t saring paraphernalia, isang bag ng mga kapsula na walang laman at ilang bag na posibleng pinaglagyan ng droga.

Itinurn-over na sa PDEA Laboratory Service ang mga nakuhang gamit at illegal na droga para suriin at makapagsampa ng kaukulang kaso sa mga taong nasa likod ng storage facility. RNT/JGC