P2.6M halaga ng cocaine, iba pang droga nasabat ng BOC sa Taguig

P2.6M halaga ng cocaine, iba pang droga nasabat ng BOC sa Taguig

November 23, 2022 @ 4:36 PM 3 days ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P2.65 milyon halaga ng cocaine ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa Taguig City nitong Martes ng gabi, Nobyembre 22.

Ayon sa BOC, bitbit ang inisyu na Letter of Authority ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ay isinagawa ang operasyon katuwang ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Philippine National Police (PNP) sa AFP-RSBS Industrial Park, Km. 12, East Service Road, sa Taguig City.

Nakumpiska ng mga awtoridad sa nasabing lugar ang nasa 500 gramo ng hinihinalang cocaine na tinatayang nasa P2.65 milyon ang halaga, iba’t ibang e-cigarette o vape cartridge na naglalaman ng hinihinalang marijuana oil, at humigit-kumulang 30 gramo ng hinihinalang kush (hybrid marijuana).

Nakakuha rin ang mga awtoridad ng ilang ID card, maliit na transparent glass at plastic tube container na naglalaman ng hinihinalang marijuana oil, iba’t ibang paraphernalia, isang bag ng mga walang laman na kapsula, at ilang Ziplock bag na may residue ng hinihinalang iligal na droga.

Nabatid sa BOC na ang mga nasabat na ebidensya ay ituturn-over sa PDEA Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination gayundin para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. JAY Reyes