P2 dagdag-pasahe hirit ng mga tsuper!

P2 dagdag-pasahe hirit ng mga tsuper!

August 29, 2022 @ 7:39 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihihirit ng grupo ng mga tsuper ng dyip ang dagdag na P2.00 pasahe bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo.

Sinabi ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) national president Ricardo “Boy” Rebaño na ramdam ngayon ng mga tsuper ang bigat ng sirit sa presyo ng gasolina.

“Dalawang piso po ang panawagan ko sa ating pamahalaan para naman po maka-survive itong mga driver natin na kasalukuyan ay bumabalik sa paghahanap-buhay. Ang akala nila magtutuloy-tuloy itong pagbaba ng petroleum products pero kabalintunaan baka bumalik ho ito sa pagko-construction ulit,” ani Rebaño.

Ang panawagan ay kasabay ng kasado nang taas-presyo sa produktong petrolyo sa Martes sa P1.30 hanggang P1.60 kada litro para sa gasolina, at P5.40 hanggang P5.70 sa diesel.

Ang pinakabagong datos na makukuha mula sa Department of Energy (DOE) ay nagpapahiwatig na ang year-to-date adjustments ay tumaas ng P18.15 kada litro para sa gasolina, P31.70 kada litro para sa diesel, at P27.10 kada litro para sa kerosene bilang ng Agosto 23, 2022.

Sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tatanggapin nila ang ihahaing petisyon ng FEJODAP, na sasailalim pa rin sa pagsusuri. RNT