P2 dagdag-pasahe hirit; transport strike ibinabala ng grupo ng tsuper

P2 dagdag-pasahe hirit; transport strike ibinabala ng grupo ng tsuper

February 19, 2022 @ 10:35 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang isang grupo ng mga jeepney driver at operator ng isang transport strike dahil sa kawalan ng aksyon ng gobyerno upang mapagaan ang kanilang kalagayan sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sinabi ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) na naghain ito ng petisyon na dagdagan ng P2 ang minimum na pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Gayunpaman, hindi pa nakaiskedyul ng pagdinig ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Hindi naman natin maantay na ibalik ang piso, na ideclare ni Chairman Delgra, so mag-one time, big time na rin tayo ng strike. Hindi na bale kaming mamatay sa giyera, huwag lang kaming mamatay sa gutom,” ani LTOP national president Orlando Marquez.

“Yung piso na aming volunteer na ibinigay noong 2018, noong 2018 bumaba ang krudo kaya nagboluntaryo kami. Kumbaga sa sinturon higpit kami nang higpit eh mamatay na po kami,” dagdag pa niya.

Nitong Huwebes, Pebrero 17, ang presyo ng gasolina sa Metro Manila ay mula P58.90 hanggang P79.25 kada litro depende sa tatak at kalidad. Ang presyo ng diesel ay mula P52.15 hanggang P64.68 kada litro.

Nauna nang sinabi ni Delgra na hinihintay pa nila ang paglabas ng nakalaan na P2.5 bilyon para sa Pantawid Pasada Program sa 2022 budget.

“Sa ibinigay na request ng Department of Transportation (DOTr) sa Department of Budget and Management (DBM) nasa 377,443 benepisaryo ang inaasahang mabibigyan ng fuel subsidy sa halagang P6,500,” anang LTFRB.

Ang nasabing pondo ay gagamitin subsidiya para sa mga tsuper imbes na pataasin ang pamasahe na makaaapekto naman magin sa mga konsyumer.

“Handa ang DOTr at LTFRB na ipagpatuloy ang fuel subsidy program na inaasahan sa April 2022 pa muling maipatutupad,” saad pa ni Delgra. RNT