P200 ayuda ng gobyerno sa mahihirap insulto – Bayan Muna

P200 ayuda ng gobyerno sa mahihirap insulto – Bayan Muna

March 17, 2022 @ 2:30 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Itinuring ng grupong Bayan Muna na insulto sa mga Pilipino ang P200 kada buwan na ayuda sa mga mahihirap sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sinabi ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na ipinapakita lang ng Duterte administation na wala itong puso sa hirap na dinaranas ng mga ordinaryong Pinoy.

“Nakakainsulto ito dahil papatak lang ito ng P6.66 kada araw kada pamilya, o, P1.33 kada araw kada tao lang ito. Hindi lang ito walang silbi, malaking insulto pa ito sa mamamayan nating pinipiga ng pilit sa mga bayaring buwis,” ani Zarate.

Nangangamba pa si Zarate na pagmulan pa ng korupsyon ang kakarampot na tulong.

Binira din nito ang economic managers sa hindi pag-aksyon sa panawagan na suspendihin ang pagpapataw ng excise tax.

“Sa halip na isuspende muna ang excise tax sa langis ng anim na buwan ay mas gusto nila ang token o kakarampot” dagdag pa ni Zarate.

Hamon ng mambabatas sa mga opisyal ng gobyerno na subukang mamuhay sa P537 minimum wage.

“Subukan kaya nilang mabuhay sa isang linggo gamit ang P537 minimum wage at idagdag na ayuda kada araw na gusto nilang ibigay, tingnan natin kung kayanin nila lalo pa na buong pamilya ang bubuhayin mo sa ganung halaga lamang,” giit pa nito.

Inulit ni Zarate ang panawagan ng kanilamg grupo na magpatawag mg special session sa Kongreso para matalakay ang excise tax suspension.

“Matauhan at gumising na dapat si President Duterte at magpatawag na ng special session. Huwag na niyang hintayin na masadlak pa sa mas sobrang kahirapan ang ating mamamayan at sasambulat ang paniningil nito sa kanya at mga kaalyado niya,” pagtatapos pa ni Zarate. Gail Mendoza