P200 buwanang ayuda ginawang P500 ni Digong

P200 buwanang ayuda ginawang P500 ni Digong

March 22, 2022 @ 6:35 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Matapos ulanin ng kaliwa’t kanang pambabatikos mula sa iba’t ibang grupo ukol sa P200 monthly fuel subsidy, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III na itaas sa P500 ang plano ng pamahalaan na ibibigay na ayuda sa mga mahihirap na Pilipino sa gitna ng fuel price crisis.

Sa talumpati ng Pangulo sa Malacañan Palace, sinabi ng Chief Executive na nakatanggap siya ng feedback “from the ground” na ang P200 monthly cash aid ay sobrang maliit at hindi kakasya para sa pamilya na may tatlo hanggang limang miyembro.

“They are the productive Filipinos for tomorrow ‘pag hindi ngayon. So sabi ko kay Sonny, ‘It will be an uphill battle for the next generation kung gawain natin na P500,’” ayon sa Pangulo.

Bahala na aniya ang susunod na administrasyon kung saan huhugutin ang budget para sa fuel subsidy.

“So I hope that this would go a long way really to help,” dagdag na pahayag nito.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng Malakanyang na target ng pamahalaan na mamahagi ng monthly subsidy sa mga benepisaryo sa loob ng buwang kasalukuyan.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, ang nasabing cash aid ay bukod pa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) conditional cash grant na P3,450 kada buwan.

Ang 4Ps conditional cash grant ay kinabibilangan ng P750 health at nutrition grant, educational grants para sa maximum na tatlong anak kada isang pamilya (P700 para sa senior high school, P500 para sa junior high school, P300 para sa elementary), at P600 rice subsidy.

Ang nasabing halaga ani Andanar ay ang halaga na kayang ibigay ng pamahalaan sa ngayon.

Gayunman, kaagad na nakatikim ng kritisismo ang polisiya kung saan maging ang mga mambabatas ay angpahayag na ang P200 ay “kakarampot.”

Samantala, ang hakbang ng pamahalaan na magbigay ng monthly fuel subsidy ay kasabay naman ng naging desisyon ng Punong Ehekutibo na ipanatili ang excise tax sa iba’t ibang fuel products.

Para sa DOF, ang suspensyon ng fuel excise taxes ay maaari lamang mauwi sa “massive revenue loss” na P105.9 billion, o “half-percent” ng gross domestic product (GDP) ng bansa para ngayong taon. Kris Jose