P20K tuko mula sa Thailand nasamsam ng BOC

P20K tuko mula sa Thailand nasamsam ng BOC

July 12, 2021 @ 11:03 AM 1 year ago


Manila, Philippines – NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) –Port of NAIA sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang parsela na naglalaman ng buhay na tuko o “leopard gecko” na nagmula sa bansang Thailand.

Ayon sa BOC, dumating ang nasabing parsela sa Paircargo warehouse nang walang kaukulang import permit mula sa DENR kaya’t nagsagawa ng 100% physical examination dito na nagresulta sa pagkakadiskubre ng buhay na Leopard Gecko na tinatayang nagkakahalaga ng P20,000.00.

Nabatid sa DENR, ang nasabat na tuko ay isang species na kinokontrol sa ilalim ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Flora and Fauna (CITES) at protektado sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9147 o mas kilala bilang Philippine Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Ang paglabag sa RA 9147 ay napaparusahan umano sa pagkabilanggo hanggang sa apat (4) na taon at pagmultahin hanggang P300,000.00.

Ang nasamsam na leopard gecko ay isailalim sa seizure and forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Section 1113 na may kaugnayan sa Section 117 ng RA 10863 o mas kilala na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Section 11 ng RA 9147.

Agad naman itinurn-over ang nasamsam na tuko sa kustodiya ng DENR alinsunod na din sa Section 8 ng Customs Administrative Order No. 10-2020.  JAY Reyes