P20M droga nasabat sa 2 notoryus tulak sa N. Ecija

P20M droga nasabat sa 2 notoryus tulak sa N. Ecija

April 7, 2022 @ 1:52 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Timbog ang dalawang babaeng sinasabing notoryus na tulak na nasamsaman ng higit sa P20 milyong halaga ng hinihinalang iligal droga sa ikinasang buy-bust operation sa Nueva Ecija.

Kinilala ni Nueva Ecija provincial director P/Col. Jess B. Mendez ang mga arestadong suspek na sina Sittie Pindatun, 30-anyos; at Nor-Ain Bilal, 26-anyos, kapwa residente ng Brgy. H-2, Dasmariñas, Cavite.

Nakalawit ang dalawa sa piangsanib na pwersa ng PPDEU/PIU- NEPPO (Lead unit), CIDG PFU Nueva Ecija, PDEA RO3 N.E., Cabanatuan CPS, 1st at 2nd PMFC, RID3 at RDEU 3, sa Lakewood Subdivision, Barangay Sumacab Este, Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong Miyerkules, April 6.

Nasamsam buhat sa pangangalaga ng mga suspek ang 12 malalaking pakete ng hinihinalang shabu na tumimbang ng nasa humigit kumulang sa tatlong kilo at nagkaka-halaga ng nasa halos P20,400,000.

Narekober din sa mga suspek ang umanoy (1) genuine Php1,000.00 peso bill at (19) na bundles nang Php1,000. 00 peso bill na ginamit bilang boodle money, at (2) smart cellular phones na umanoy ginagamit sa pakikipag-transaksyon sa kanilang mga parokyano.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek.

“Nangako naman ang Nueva Ecija Police na susuportahan ng buong lakas ang mga natamo nito sa operasyon ng pulisya laban sa iligal na droga bilang suporta sa umanoy pamana ni Pangulong Duterte sa pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga.”

Idinagdag pa na ang mga pagsisikap na ito ay naaayon sa patnubay ni Regional Director, PBGen. Matthew P. Baccay, PRO3 na kumilos nang may pagbabantay at maasahang puwersa ng pulisya tungo sa isang matatag na pagtatagpos ng kasalukuyang administrasyon. Elsa Navallo