P20M halaga ng imported cocaine nasabat ng PNP

P20M halaga ng imported cocaine nasabat ng PNP

June 23, 2018 @ 3:21 PM 4 years ago


Quezon – Tinatayang nasa P20-milyong halaga ng imported cocaine ang nasabat ng pulisya sa ikinasang operasyon sa bayan ng Infanta sa probinsya ng Quezon.

Kasabay nito ay ang pagkakatimbog sa 48-anyos na lalaki na nakilalang si Aldrin Taharan.

Ayon kay Quezon Police Provincial Office Director Sr. Supt. Osmundo De Guzman, nakuha kay Taharan ang apat na bulto ng cocaine na tumitimbang ng apat na kilo at may street value na aabot sa P21.2-million.

Ang nasabing  operasyon ay isinagawa sa Barangay Dinahican ng Special Operations Unit at ng Drug Enforcement Unit ng Police Regional Office 4 kung saan nagpanggap na buyer ang ilang operatiba ng PNP.

Batay sa report, ang iligal na droga ay bahagi ng kontrabando na inabandona sa Lamon Bay sa nasabing lalawigan nitong nakaraang buwan.

Buwan ng Abril ay natagpuan ng mga mangingisda na palutang-lutang sa dagat ang 28 kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P280-million at 16.5 na litro ng liquid chemicals na kayang gumawa ng 13 kilos ng shabu.

Nabatid na isa si Taharan sa naka-recover ng iligal na droga at kalaunan ay ibinenta ito ng P1.5 Million bawat kilo.

Nakuha rin ang makabagong tracking device na ginagamit para matunton ang drug shipment.

Ito umano ang unang pagkakataon na may nakuha sa bansa ng ganitong uri ng kagamitan.

Kaugnay nito ay nakumpirma ng pulisya na idinadaan ng mga sindikato sa karagatan ang paghahatid ng iligal na droga mula sa China. (Jeff Gallos)