P20M ismagel na agri products nasabat ng BOC

P20M ismagel na agri products nasabat ng BOC

December 7, 2022 @ 4:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P20 milyon halaga ng mga ismagel na “agricultural products” ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) katuwang ang Department of Agriculture (DA) sa isinagawang operasyon sa Port of Subic.

Nabatid sa BOC, naglabas ng Alert Order si Port of Subic District Collector Maritess Martin noong Disyembre 1 laban sa mga kargamento ng Veneta Consumer Goods Trading at Lalavy Aggregates Trading, na nagmula sa China.

Dahil dito, nagsagawa ng physical examination nitong Disyembre 6 ang BOC kasama ang kinatawan ng DA kung saan nabuking sa nasabing pagsusuri na ang 1×40 na kargamento ng Veneta Consumer Goods Trading na idineklara bilang “assorted foodstuffs” ay naglalaman ng mga Frozen Carrots.

Bukod pa dito ang 2×40 kargamento na naka-consign sa Lalavy Aggregates Trading, na idineklara bilang Frozen Lobster Balls and Crabsticks, ay natagpuang naglalaman ng Fresh Red & White Onions.

Ayon sa BOC, maglalabas ang Port of Subic ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga kargamento pagkatapos ng kumpletong pagsusuri at imbentaryo makaraang lumabag umano ang consignee sa DA Administrative Order No. 18 series of 2000, DA Circular No. 4 series of 2016, at Section 1400 na may kaugnayan sa Section 1113 (f) ng Republic Act (RA) 10863, o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). JAY Reyes