P210M puslit na sigarilyo kumpiskado

P210M puslit na sigarilyo kumpiskado

October 7, 2022 @ 7:48 AM 2 months ago


ZAMBOANGA CITY – NASAMSAM ng mga awtoridad ang itinuturing na pinakamalaking nahuli na mga puslit na sigarilyo na matapos maharang ang dalawang barko na may kargang P210 milyong halaga ng mga pulis na sigarilyo nitong Miyerkules sa Zamboanga City.

Batay sa report ng ipinalabas ni Lt. Col. Reynald Ariño, 2nd Zamboanga City Mobile Force “Seaborne” Company, dakong 5:00 PM ng maharang ang mga kontrabando sa Tumalutap, na isa sa walong isla sa barangay sa nasabing lungsod.

Sinabi ni Ariño, naispatan ng grupo ng PNP at operatiba ng Bureau of Customs (BOC) habang nagsasagawa ng seaborne patrol ang dalawang barko na may pangalan M/V Nurkaisa at M/V Phoenix na may kargang puslit na sigarilyo.

Sakay ng dalawang barko ang 12 katao subalit bigo ang mga ito magpakita ng mga dokumento sa kanilang mga kargang sigarilyo na mula Jolo, Sulu at papunta sanang Alicia, Zamboanga Sibugay province.

Ayon naman kay Mayor John Dalipe ang dalawang barko ay may kargang tinatayang 6,000 master cases ng iba’t ibang uri ng sigarilyo.

“I call on the security sector to intensify its operations against smuggling. I’ll see to it that those involved will be dealt with accordingly,” pahayag pa ni Dalipe.
Ang pagharang ng P210M halaga ng mga kontrabandong sigarilyo ay pangalawa sa mga nakumpiska ng mga awtoridad nitong buwan ng Oktubre.

Matatandaan na nitong Oktubre 3, higit sa P1.9M halaga ng puslit na sigarilyo ang nasamsam malapit sa isla ng Sta. Cruz sa nabanggit na lungsod na nagmula Jolo, Sulu patungong Cotabato City./Mary Anne Sapico