P215B realignment aayusin sa 2023 budget

P215B realignment aayusin sa 2023 budget

November 25, 2022 @ 3:23 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nasa P215 bilyon halaga ng realignment ang aayusin ng bicameral conference committee para sa 2023 General Appropriations Bill, ayon kay House Committee on Appropriations Vice Chair Stella Quimbo.

Ayon kay Quimbo ang nasabing halaga ay ang disagreeing provisions ng bersyon ng Kamara at Senado para sa 2023 P5.268 Trillion National Budget.

Aniya, magkakaroon ng budget increase para sa susunod na taon ang ilang programa ng gobyerno at ilang ahensya.

Tiniyak ni Quimbo na hindi mahihirapan ang Senado at Kamara na plantsahin ang disagreeing provisions dahil sa Medium Term Fiscal Framework na naglalaman ng 8 point socio-economic agenda ng pamahalaan na siyang mag sisilbing gabay ng bicam para mapagkasundo at maisapinal ang budget bill.

Sa panig ni House Speaker Martin Romualdez, siniguro nito na malalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang kauna-unahang national budget bago ang araw ng Pasko.

Aniya, may sapat pang panahon ang Kongreso para mapagtibay ang final version ng budget bago magsimula sa kanilang Christmas recess sa Disyembre 17. Gail Mendoza