P226K shabu nasabat sa drug ops sa Navotas, 4 arestado

P226K shabu nasabat sa drug ops sa Navotas, 4 arestado

May 31, 2022 @ 11:33 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Isinelda ang apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang bebot matapos makuhanan ng higit P.2 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-9:15 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo, kasama ang SWAT team, TMRU, San Roque Sub-Station 2 at Intelligence Section ng planned buy-bust operation sa Badeo 4 St., Brgy. San Roque.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Joselinda Tibay alyaw “Pekta”, 31 ng  Brgy. 142, Caloocan City at Frederick Reyes alyas “Angel”, 30, factory worker ng Reyes St., Brgy. Bangkulasi matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer.

Nakumpiska sa suspek ang aabot 27 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) Php 183,600 at marked money.

Dakong alas-11 naman ng gabi nang madakma din ng kabilang team ng SDEU sa buy-bust operation sa Badeo 5 St., Brgy. San Roque sina Joey Boy De Leon, 22 at Harold Sumbeling, 33, kapwa ng S. Roldan St., Brgy. Tangos South.

Nasamsam sa kanila ang abot sa 6.3 grams ng hinihinalang shabu na may corresponding standard drug price (SDP) Php 42,840 at marked money.

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura