P236M halaga ng ayuda natanggap na ng Paeng victims – DSWD

P236M halaga ng ayuda natanggap na ng Paeng victims – DSWD

November 7, 2022 @ 1:39 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakapagbigay na ng mahigit P236 milyon na halaga ng tulong ang Department of Social Welfare and Development sa mga biktima ng Severe Tropical Storm Paeng.

Ayon kay Social Welfare Undersecretary for Special Projects Edu Punay, maliban dito ay mayroon pang P1.1 bilyon na stockpile funds ang ahensya.

“Based on our latest data, as of 6 a.m., the DSWD already distributed a total of over P236 million na humanitarian assistance to affected communities,” ani Punay nitong Lunes, Nobyembre 7 sa panayam ng ANC.

Sa kanilang cash assistance program, ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng P2,000 hanggang P10,000 ayuda depende sa kanilang pangangailangan.

Kasalukuyan ay mayroong 67,000 indibidwal o 16,000 pamilya ang nananatili pa sa mga evacuation center sa buong bansa at nakaapekto ng mahigit 5 milyong tao o 1.2 milyon na pamilya.

“Rest assured, DSWD is doing all we can to reach out to these communities to assist them in their recovery,” sinabi pa ni Punay.

Matatandaan na sinabi nitong Linggo, Nobyembre 6 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang vlog na nais niyang bawasan na ang red tape upang mas mapabilis ang distribusyon ng ayuda tuwing may kalamidad.

Nakita niya rin umano na may hawak pang stub ang mga biktima ng bagyo habang nakapila sa pamamahagi ng relief goods ng pamahalaan.

Kung babalikan, ilang dekada nang ginagamit ang stub system sa pamamahagi ng mga relief goods upang maiwasan ang lamangan sa ilang pamilya. RNT/JGC