P245M naabo sa sunog sa Cubao – BFP

P245M naabo sa sunog sa Cubao – BFP

February 10, 2023 @ 10:41 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot sa P245 milyon mga ari-arian ang nilamon ng apoy habang isang fire volunteer naman ang nasaktan nang masunog ang Araneta bus terminal, Huwebes ng hapon, Pebrero 9.

Kinilala ni Quezon City Fire Marshall F/Senior Supt Aristotle Bañaga, ang nasaktan na si John Grego, 27-anyos, na nagtamo ng back pain matapos mahulog sa kasagsagan ng pag-apula ng apoy.

Base sa ulat, dakong 4:46 ng hapon nang magsimulang tupukin ang Araneta Bus Terminal na matatagpuan sa Time Square St. Barangay Socorro Q.C.

Lumalabas na dahil sa kalumaan na rin ng gusali ay mabilis na lumaki ang apoy at umabot sa Task Force Bravo ang alarma.

Halos apat na oras din bago ideklarang fire under control ang apoy ng Bureau of Fire and Protection (BFP) bandang 8:20 ng gabi.

“May kalumaan na yung mga structure, It was constructed 1974, kaya mabilis na lumaki ang apoy at umabot sa Task Force Bravo ang alarma, nagpapasalamat naman tayo at iisa lamang ang injured,” saad ni Bañaga.

Sinabi pa ng opisyal na isa nilang fire truck ang nasunog ang harapan na bahagi dahil sa lakas na rin ng apoy.

Sa kasalukuyan patuloy pa rin na iniimbestigan ng BFP ang pinag-ugatan ng apoy na naunang sinabi na nagmula ito sa barracks ng mga guwardiya. Jan Sinocruz