P25.45B utang ng PhilHealth sa private hospitals babayaran sa 6 na buwan

P25.45B utang ng PhilHealth sa private hospitals babayaran sa 6 na buwan

January 11, 2022 @ 8:00 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Nangako ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) nitong Martes na mababayaran ang mahigit P25 bilyong halaga ng claims sa private hospitals sa unang kalahating bahagi ng 2022.

Sa House Committee on Health hearing, inilahad ni PhilHealth president Dante Gierran na pino-proseso na ang P25.45 bilyong bayad sa mga ospital sa pamamagitan ng Debit-Credit Payment Method nito.

“We have to pay this in six months,” pahayag ni Gierran.

Ang DCPM ay ang paraan ng PhilHealth upang mabayaran ang Health Care Facilities (HCFs) sa State of Public Health Emergency dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Inatasan na ng PhilHealth chief ang regional conciliation at mediation branches nito na makipag-ugnayan sa partner hospitals ukol sa estado ng claims reimbursements at iagad na ipagbigay-alam sakaling mayroong isyu.

Mapapabilis ng DCPM ang paglalabas ng pondo sa mga kwalipikadong ospital sa buong bansa.

Sa kasalukuyan, nakapagpalabas na ang PhilHealth ng tatlong waves ng kabayaran na nagkakahalaga ng P12.06 bilyon sa ilalim ng DCPM.

Sa ilalim ng DCPM, 60 porsyento lamang ang inisyal na maibabayad sa ospital,  habang ang 40 porsyento ay mababayaran matapos makumpleto ang pag-proseso ng requirements. RNT/SA