P25B pondo sa dagdag-pensyon ng seniors siguruhin sa 2023 nat’l budget

P25B pondo sa dagdag-pensyon ng seniors siguruhin sa 2023 nat’l budget

August 14, 2022 @ 1:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinasisiguro ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa Malacañang na isama sa panukalang 2023 national budget ang dagdag na pP25 bilyon na kailangan para mabayaran ang dagdag na P500 buwanang pensiyon ng mga mahihirap na senior citizen.

Matatandaang ang panukalang batas na nagtaas ng buwanang pensiyon ng mga mahihirap na senior citizen mula P500 hanggang P1,000 ay naging bagong batas — Republic Act No. 11916 — matapos na mag-lapse into law nang walang pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang pagpopondo para sa Social Pension Program for Indigent Senior Citizens (SPPISC) ay sinisiguro sa taunang badyet ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang SPPISC ay may alokasyon na P25 bilyon ngayong taon, na sapat na pambayad sa P500 buwanang pensiyon ng 4.1 milyong indigent seniors na tinukoy ng DSWD.

Sumakatuwid sa pagtataas ng buwanang pensiyon sa P1,000 ay nangangahulugan na kailangan ng isa pang PHP25 bilyon.

“Umaasa kami na ang PHP25 bilyon ay maisasaalang-alang sa budget bill na nakatakdang isumite ng Palasyo sa Kongreso sa Agosto 22,” sabi ni Pimentel.

“Walang pagpipilian ang gobyerno kundi magbigay ng mga pondo upang bayaran ang pagtaas ng pensiyon.”

Binabayaran ng DSWD ang buwanang pensiyon batay sa tatlong priority age groups, kung saan ang mga pinakamatandang senior na may edad 80 taong gulang pataas ang nakakuha ng unang priority. Ang mga nakatatanda na may edad 70 hanggang 79 taong gulang ay nakakakuha ng pangalawang priyoridad, habang ang mga nasa edad 65 hanggang 69 ay tumatanggap ng ikatlong priyoridad. RNT