P25M ismagel na sigarilyo nasamsam sa Zamboanga City

P25M ismagel na sigarilyo nasamsam sa Zamboanga City

December 9, 2022 @ 6:42 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasa P25 milyong halaga ng mga ismagel na sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Zamboanga sa isinagawang operasyon sa baybayin ng Sta. Cruz Island sa Zamboanga City nitong Huwebes, Disyembre 8.

Ayon sa BOC, nagsagawa ng maritime patrol ang mga elemento ng Enforcement and Security Service- Customs Police Division (ESS-CPD) at ng Water Patrol Division (WPD) sa paligid ng Sta. Cruz Island, kung saan naharang nila ang 707 master cases ng smuggled na sigarilyo sakay ng wooden motorized vessel na M/L Paris.

Nabatid na nabigo ang 11 tauhan ng nasabing motorized vessel na magbigay ng mga dokumento sa pag-import para sa mga kalakal silang sigarilyo. Ang barko ay nagmula sa Pangutaran, Jolo sa Sulu, at patungo sa Brgy. Baliwasan seaside sa Zamboanga City.

Kasalukuyang sumasailalim sa interogasyon at profiling ang mga nasabing tripulante.

Ang sasakyang pandagat at ang mga kontrabando nito ay nasa kustodiya ng BOC para sa imbentaryo at tamang disposisyon dahil sa paglabag sa Section 1113 (a) ng Republic Act 10863, o mas kilala bilang “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016, na may kaugnayan sa Sec. 117 at ng “Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations”. JAY Reyes