P270B budget sa 2023, ihihirit ng DA – Dar

P270B budget sa 2023, ihihirit ng DA – Dar

May 30, 2022 @ 4:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hihirit ang Department of Agriculture ng P270-bilyong pondo sa 2023 sa ilalim ng papasok na Marcos administration.

Punto ni Agriculture Secretary William Dar, mas marami sanang magagawa ang sektor ng agrikultura kung pinaglaanan ng malaking pondo ang ahensya, na aniya’y napabayaan sa nakalipas na mga taon.

“What we have prepared as budget for 2023 is at the level of P270 billion. We really have considered everything. That’s the level of budget that we need in agriculture, otherwise talagang… we have been under-budgeted, we have been neglected all these 30 years,” ani Dar sa ANC interview.

Una nang umapela ang DA ng dagdag na P8 billion hanggang P10 billion sa P91 billion na proposed 2022 budget ng ahensya.

Orihinal na humihingi ang ahensya ng P231 billion na pondo pero P91 billion lamang ang inirekomenda ng Department of Budget and Management sa Kongreso.

Sa kabila ng kawalan ng dagdag-pondo, ipinagmalaki ni Dar na nakapag-ani pa rin ang bansa ng 19.96 milyong metriko toneladang bigas.

Gayunman, maaari aniyang manahin ng Marcos administration ang naghihingalong agriculture sector dahil na rin sa naging epekto ng pandemya at ng nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Kaya naman panawagan nito sa susunod na pangulo, taasan ang budget ng DA.

“That has been a result of this long neglect. We need now to significantly give budgetary support so that all the very requirements for farming and fishing can be properly supported by the government. This time it’s really a minimum budget for survival,” giit ng kalihim.

Matatandaangn nagbabala kamakailan si Dar ng posibleng food crisis bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga farm inputs nitong ikalawang semester ng 2022 gaya ng dumobleng halaga ng fertilizer o pataba. RNT/ JCM