P2B pondo sa indigent PhilHealth members inilabas na ng DBM

P2B pondo sa indigent PhilHealth members inilabas na ng DBM

December 6, 2022 @ 9:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng mahigit sa P2 bilyong pisong pondo para sa Philippine Health Insurance Corporation (PHIC) na gagamitin sa insurance premium subsidy para sa mga indigent members.

Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na sakop ng Special Allotment Release Order (SARO) ang subsidiya ng natitirang 673,965 indigent members na naka-enroll sa ilalim ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) para sa buwan ng Enero hanggang Disyembre ngayong taon.

“We are happy that before this year ends, we were able to cover the remaining subsidy for the health premiums of our kababayans. This is our way of showing that the DBM supports President Marcos Jr.’s goal of providing affordable and inclusive health care for all Filipinos,” ayon kay Pangandaman.

“The latest release is chargeable against the fiscal year 2022 built-in appropriation under the PHIC’s National Health Insurance Program (NHIP),” ayon sa departamento.

Sa ngayon, nakapagpalabas na ang DBM ng mahigit sa P79.93 bilyong piso sa pamamagitan ng tatlong hiwalay na SAROs para sa subsidiya na may katumbas na iba’t ibang billings para sa buong taon o mula Enero hanggang Disyembre 2022.

Sakop nito ang health insurance premiums na 21,161,308 indirect contributors.

“Maganda po ang hangarin ng National Health Insurance Program. That is why we made sure po that the program will have a continuous fund for next year,” ayon sa Kalihim.

Tinuran pa ni Pangandaman na naglaan ang DBM ng mahigit sa P100 bilyong piso para sa implementasyon ng NHIP para sa fiscal year 2023. Kris Jose