P2B proposed virology institute isinusulong sa Kongreso

P2B proposed virology institute isinusulong sa Kongreso

September 19, 2022 @ 1:25 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni National Unity Party leader Luis Raymund Villafuerte ang Kongreso na maglaan ng inisyal na P2-bilyon research fund para sa panukalang pagbuo ng Philippine Virology Science and Technology Institute o VIP.

Ito ay upang mas maihanda umano ang bansa pagdating sa pagbuo ng mga vaccine at matagumpay na masolusyunan ang posible pang dumating na mga health emergencies.

Kasama ni Villafuerte ay sina Miguel Luis Villafuerte, Tsuyoshi Anthony Horibata at Nicolas Enciso na naghain ng House Bill 308.

Sa ilalim ng panukala, magtatayo ang pamahalaan ng virology institute at bibigyan ng inistal na pondong P2-bilyon para sa research and development activities.

“This bill proposes a research institute specifically dealing in the field of virology, as a better understanding of viruses would equip us in our response to, and containment of, future viral outbreaks like the current coronavirus pandemic,” ani Villafuerte.

Matatandaan na sinabi rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang kauna-unahang state of the nation address na nais niyang hilingin sa Kongreso na magpasa ng isang batas na bubuo ng VIP sa ilalim ng Department of Science and Technology para sa lahat ng mga virology-related activities. RNT/JGC